Ibinunyag ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) na nag-isyu na ang Court of Appeals ng freeze order laban sa mga ari-arian ni Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo at dalawang iba pa na isinasangkot sa illegal Philippine offshore gaming operators (POGO).
“The petition filed by the MALC on July 8, 2024, under Section 10 of Republic Act No. 9160, also known as the AMLC Act of 2001, as amended and Rule 10 of its 2018 Implementing Rules and Regulations (2018 IRR), sought to freeze various bank accounts, real properties and personal assets connected to the suspected syndicate,” ayon sa statement ng AMLC.
Saklaw din ng freeze order ang mga ari-arian nila Zhiyang Huan at Baoyin Lin na diumano’y kasama ni Guo sa mga illicit human trafficking activities at iba pang ilegal na gawain sa kanilang mga POGO hub sa Zun Yuan Technology, Inc.; Baufu Land, Inc.; at Hongsheng Gaming Technology.
Ang desisyon ng Court of Appeals ay ipinaalam ng AMLC sa tanggapan ni Sen. Sherwin Gatchalian nitong Huwebes, Hulyo 11, ng gabi.
Ayon kay Gatchalian, hindi bababa sa 36 ang bank accounts na nakapangalan kay Guo ang kanilang natukyo subalit nakasaad sa freeze order na saklaw nito ang 90 bank accounts at high value properties ng suspendidong alkalde at dalawang kasamahan nito.