Simula 2013, ipinursige ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP), na pinamumunuan ni Senator Sonny Angara, na mai-host ng Pilipinas ang International Basketball Federation/FIBA Basketball World Cup o 2023 FIBA.
Sa Agosto 25-Setyembre 10, host ang Pilipinas, kasama ang Japan at Indonesia, sa FIBA Basketball World Cup—ang pinakamalaki at pinakaprestihiyosong basketball event na sasalihan ng 32 bansa, kabilang ang Amerika at Spain.
Tampok sa 2023 FIBA ang mahigit 90 games, kung saan 52 ang idaraos sa pinakamalalaking venues sa Pilipinas, ang MOA Arena sa Pasay City, Smart Araneta Coliseum sa Quezon City, at Philippine Arena sa Bulacan.
Inaasahan ni Ramon Suzara, chief implementor ng Local Organizing Committee (LOC) ng 2023 FIBA, ang mahigit 3,000 participants hindi lamang mula sa mga koponan kundi mula sa FIBA organization, mga kinatawan ng iba pang host countries, media, sponsors, embahada, at iba pa.