Aabot sa 70 katao na sinasabing mga “street dancers” ang nahimatay dahil sa dehydration at pagkakabilad sa matinding sikat ng araw sa gitna ng dance competition para sa Pakol Festival na ginanap sa Santa Catalina, Negros Oriental, nitong Huwebes, Abril 25.
Batay sa ulat ng Santa Catalina Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office, ang kumpetisyon ay nagsimula dakong alas-2 ng hapon kung saan umabot sa 40 hanggang 41 degrees Celsius ang heat index sa lugar.
Bukod sa mga dancers ay may mga nanonood din ang hinimatay dahil sa sobrang init.
Karamihan sa mga nahimatay na dancers ay mula sa Barangay Poblacion 1 at ang huling kalahok sa kumpetisyon.
Bukod sa labis na init ng panahon posibleng dahilan ng pagkahimatay ng mga biktima ang masikip na costume , mabigat na props sa katawan at ang pagsisiksikan ng mga manonood sa lugar.
Napag-alaman na simula alas-11 ng tanghali ay nasa venue na ang mga dancers at naghihintay ng kanilang oras para ipakita ang kanilang galing sa pagsasayaw.
Agad namang nabigyan ng tulong ang mga biktima ng mga rumispondeng rescuers.
Ulat ni Baronesa Reyes