Babalik na ng Pilipinas ngayong linggo ang 63 Pinoy na bahagi ng repatriation proceedings ng gobyerno sa gitna ng nagaganap na karahasan sa Haiti, ayon sa Department of Migrant Workers (DMW) ngayong Lunes, Marso 18.
Sa panayam sa Unang Balita, sinabi ni DMW officer-in-charge Hans Leo Cacdac na nais nilang maiuwi ang mga Pilipino mula sa Haiti sa lalong madaling panahon dahil patuloy ang violent gang activities ang nagaganap doon.
“The flight will be arranged at the soonest possible time. Wala lang specific date. As soon as possible, ganon muna tayo ngayon. Obviously, it could be this week,” sabi ni Cadac.
Inihayag ng DMW noong Linggo, Marso 17, na inaprubahan ni Foreign Affairs Secretary Enrique Manalo ang rekomendasyon sa deklarasyon ng Alert Level 3, o ang voluntary repatriation para sa mga Pilipino mula sa Haiti.
May kabuuang 154 na Pilipino ang nasa Haiti, ani Cacdac.
“‘Yung sa iba, sila ay kinukumbinsi pa syempre to take the flight home. Voluntary repatriation ngayon, nasa kanila ang kapasyahan whether or not nais nilang umuwi. But definitely, ang sinasabi ngayon on the ground is hanggat maaari, mag-avail na ng voluntary repatriation,” dagdag ni Cadac.