Humingi ng paumanhin ang Manila International Airport Authority (MIAA) sa dalawang pasahero na kinagat ng surot habang naghihintay ng kanilang flight sa Terminal 2 at 3 ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
“The MIAA apologizes to the victims and assures them that a speedy resolution to this can be expected,” sabi ng Manila International Airport Authority.
Naging viral ang larawang ng dalawang pasahero sa Facebook na nagpapakita ng mga kagat surot sa kanilang binti.
Sinabi ng MIAA na inalis na ang mga upuan sa passenger waiting area na may surot.
Samantala, inatasan ni MIAA General Manager Eric Ines ang lahat ng opisyal ng NAIA terminals na imbestigahan ang insidente at magsumite ng report sa loob ng 24 oras na kanilang pagbabasehan sa pagbalangkas ng rekomendasyon upang maiwasan ang kahalintulad na insidente.