Nagsampa ng reklamo na humang rights violations ang transport group na Manibela nitong Miyerkules, Pebrero 7, sa Office of the Ombudsman laban sa mga matataas na opisyal ng Transportation kaugnay sa ipinatutupad na Public Utility Vehicle Modernization Program.
“Maraming nilabag ang programa nitong mga opisyal ng DOTr, OTC, LTFRB at SolGen… Inabuso tayo, nilabag ang ating mga karapatan, dineprived ang ating mga kabuhayan,” sabi ni Manibela chairman Mar Valbuena.
Pinangunahan ni Manibela Chairman Mar Valbuena ang grupo sa paghahain ng reklamo kasama si Atty. Homobono Adaza bilang kanilang legal consultant, bagama’t isa pang abogado ang pumirma sa kanilang reklamo.
Kabilang sa mga respondent sa reklamong ito sina Department of Transportation (DOTr) Secretary Jaime Bautista, Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) chairman Teofilo Guadiz, Office of Transportation Cooperatives (OTC) chairman Andy Ortega at Solicitor General Menardo Guevarra, at iba pa.