(Photo courtesy by CNPPO- PIO)

Naaagnas na nang matagpuan ang bangkay ng isang 17-anyos na babae na pinaniniwalaang ginahasa bago pinatay at iniwan sa abandonadong bahay sa Camarines Sur.

Ang biktima ay estudyante ng Camarines Sur National High School na kinilala ng kanyang mga magulang sa puneraryang pinagdalhan sa kanya nitong Biyernes ng gabi, Hulyo 28.

Batay sa ulat ni P/MSgt Toby Bongon ng Naga City Police Station, ang bangkay ng biktima ay nadiskubre ng isang pedicab driver matapos nitong tuntunin ang masangsang na amoy na nagdala sa kanya sa isang abandonadong bahay sa Barangay Liboton.

Ayon sa pulisya, natagpuan ang panloob ng dalagita hindi kalayuan sa bangkay nito na tinabunan ng basura at tinakpan ng tarpaulin.

Sinabi ng mga magulang ng biktima na huling nakitang buhay ang kanilang anak nitong Hulyo 22, dakong 8:40 ng gabi, sa panulukan ng Penafrancia-Magsaysay malapit sa Acacia Street, base pa sa kuha ng CCTV sa lugar.

Inaalam pa ng pulisya kung ginahasa ang biktima bago pinaslang.

—Baronesa Reyes