Inilibing nang patayo sa isang mababaw na hukay ng hindi pa kilalang mga suspek ang pitong katao na unang iniulat na dinukot sa Barangay Karkum, Sapad, Lanao del Norte.

Ang mga biktima ay nakilalang sina Joselito Gaviola, Marly Gaviola, Elvie Lenara, Epiufanio Lenara Sr., Joepay Lenara, Jomar Lenara at Epifanio Lenara Jr.

Batay sa ulat ng Lanao del Norte Provincial Police Office , natagpuan ang bangkay ng mga biktima nitong Linggo, Enero 7, sa mababaw na hukay sa taniman ng niyog sa Barangay Karkum.

Napag-alaman na ang Pamilya Gaviola ay mula sa Sangali, Zamboanga City habang ang mga Lenara naman ay mula sa Margosatubig, Zamboanga del Norte.

Sinasabing ang mga biktima ay dinukot ng hindi pa nakikilalang suspect at pinatay bago dinala sa taniman ng niyog upang ilibing.

Sa ngayon, patuloy pang inaalam ng Philippine National Police (PNP) ang motibo at kung sino ang nasa likod ng karumal-dumal na krimen.

Ulat ni Baronesa Reyes