Kasado na sa susunod na Enero 11, 2024 ang isasagaang pagdinig ng House Committee on Energy tungkol sa malawakang power outage sa Panay Island at mga karating lugar.
Ayon ito sa ibinahaging Notice of Meeting ni Iloilo City Rep. Julienne “Jam” Baronda mula sa naturang komite.
Sinabi ni Baronda, hiniling niya niya sa House leadership na masilip ang panibagong problema sa kuryente sa kanilang lalawigan, na ikinalugi ng bilyung pisong halaga ng mga establisimiyento.
Mayroong, aniyang, inihandang resolusyon ang Iloilo lawmakers para magsagawa ng pormal na pagsisiyasat ukol dito. At dahil naka-break pa ang Kongreso, ay itutuloy na lang ng Committee on Energy ang nauna nitong imbestigasyon kaugnay sa power interruption sa probinsya na naganap noong April 2023.
Maigi aniya ito upang mas mabusisi ang isyu at mapanagot ang mga responsable.
Malaki naman ang pasasalamat ng mambabatas kay Speaker Martin Romualdez at Marinduque Rep. Lord Allan Velasco, chairman ng Committee on Energy, sa positibong pagtugon sa kanilang hiling.
Ulat ni Henry Santos