Patay ang isang barangay kagawad matapos barilin ng isang lalaki sa Mangaldan, Pangasinan, nitong Martes, Enero 2, ng gabi.

Nakilala ang biktima na si Romeo Abrazaldo del Campo, 43-anyos at kagawad ng Barangay Guilig sa bayan ng Mangaldan.

Batay sa ulat ng Police Regional Office 1, naganap ang insidente sa national highway ng Barangay Salay.

Lulan ang biktima ng isang sports utility vehicle kasama ang kanyang live-in partner at 6-anyos na anak na babae nang barilin ito ng suspek na si Deo Gapulao Quilan na lulan naman ng isang motorsiklo.

Hindi na umabot na buhay sa pagamutan ang biktima bunga ng tama ng bala sa ulo habang tumakas naman ang suspek subalit naaresto rin ito ng mga rumispondeng alagad ng batas.

Ayon sa ulat, nakipaghabulan at nakipagbarilan ang suspek sa mga tumutugis na pulis kaya’t nabaril din ito sa hita. Dinala ang suspek sa Region 1 Medical Center sa Dagupan City kung saan ito naka-hospital arrest.

Ulat ni Baronesa Reyes