Isang Pinoy ngayon ang itinuturing na bayani sa Dublin, Ireland, matapos tulungan ang isang batang babaeng estudyante, na kabilang sa apat na biktima ng pag-atake ng isang Algerian suspek, sa Parnell Square noong nakaraang buwan.

Nakatatak pa rin sa isipan ng Filipino nurse na si Leo Ralph Villamayor ang insidente, na naganap noong Nobyembre 23, lalo na’t nangyari ito habang papunta siya sa kanyang graduation.

“I thought it was just a rumble, like people fighting on the street,” sabi ni Leo.

Nang bumagsak ang isang batang babae sa kanyang harapan, sinabi ni Leo na ito ang nag-udyok sa kanya na agad na magbigay ng basic life support, ipinakilala muna ang kanyang sarili bilang isang nurse para mabura ang mga pagdududa sa kanyang kakayahan.

“My first response was to try to help, but they ignored me and pushed me away until I decided to shout, ‘I’m a nurse.’ They then gave way so I could assess the child,” saad pa ni Leo.

Hindi naging madali, ani Leo, dahil sa mga oras na iyon ay nababalot na sa kaguluhan ang lugar. “I could not assess the child’s pulse properly as there was too much noise and too many people; chaos everywhere.”