Nailigtas ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) ang 20 katao matapos na lumubog ang bangkang de motor na sinasakyan ng mga ito nitong Huwebes, Nobyembre 22, ng hapon.

Batay sa ulat ng PCG, ang insidente ay naganap sa katubigang sakop ng Fuga Island at Sanchez Mira sa Cagayan.

Naglalayag ang MB LA78 nang mapansin ng isa sa mga tripulante na pinapasok na ng tubig ang bangka dahil sa sira.

Agad na humingi ng tulong sa PCG ang kapitan ng bangka bago paman mapuno ng tubig ang bangka.

Mabilis namang rumisponde ang mga tauhan ng PCG at iniligtas ang lulan ng bangka bago pa man ito tuluyang lumubog.

Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad sa insidente.

Ulat ni Baronesa Reyes