Ipinagutos ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) acting chairman Don Artes ang pagsasailalim sa preventive suspension kay MMDA Task Force Special Operations head retired Col. Bong Nebrija.
Ito ay matapos ihayag ni Nebrija sa media na pinigil ang convoy ni Sen. Bong Revilla Jr. ng mga MMDA traffic enforcer dahil sa paglabag sa exclusive EDSA bus lane habang patungo sa direksiyon ng Quezon City ngayong Miyerkules, Nobyembre 15, ng umaga.
Nang kumalat ang balita, agad na naglabas ng pahayag si Revilla para sabihin na wala itong katotohanan dahil nasa bahay siya sa Cavite noong maganap ang sinasabing apprehension ng kanyang convoy.
Mabilis namang kumambiyo si Nebrija at sinabing nakuha niya lamang ang impormasyon mula sa isa nilang tauhan na nagsabing nakita pa niya ang senador nang ibaba nito ang bintana ng sasakyan kaya hindi na nila isyuhan ng traffic violation ticket.
Dahil sa matinding galit sa nangyaring ‘wow mali’ ni Nebrija, nagbanta si Revilla na isusulong niya ang pagtapyas sa budget ng MMDA sa Senado.
“The Metropolitan Manila Development Authority will investigate the incident that happened this morning during our operations on the implementation of the EDSA Bus Carousel Lane regulation which implicated the name of Sen. Bong Revilla, Jr.,” wika ng MMDA ngayong Miyerkules.
Personal ding nagtungo sina Artes at Nebrija sa tanggapan ni Revilla upang iparating ang kanilang paghingi ng paumanhin sa kanya sa insidente.