Nanawagan ang MMDA na tanggalin ang suspensiyon ng No Contact Apprehension Policy para walang kawala ang mga motorista na ilegal na gumagamit ng EDSA bus lane at iba pang paglabag sa trapiko.
Sinabi ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) acting chairman Don Artes na lumala ang ilegal na paggamit ng EDSA bus lane simula nang masuspinde ang No Contact Apprehension Policy (NCAP). Sinimulan ng MMDA na magpataw ng mas mataas na multa sa mga pasaway na motorista sa EDSA bus lane ngayong Lunes, Nobyembre 13.
“Sana maaksyunan na po dahil kailangan talaga namin ‘yung tulong ng technology para mabantayan ang lansangan ng Metro Manila. Hindi namin po kayang bantayan ng 24/7 na mano-mano ang lahat ng kalsada sa amin jurisdiction,
Sa NCAP, maaaring ipatupad ng MMDA at mga local government unit ang mga patakaran sa trapiko gamit ang teknolohiya sa pamamahala ng trapiko, kabilang ang mga advance camera systems na pinapatakbo ng computer vision artificial intelligence.
Matatandaan na naglabas ang Korte Suprema ng temporary restraining order laban sa NCAP noong Agosto 2022 batay sa pinagsama-samang kaso na nagmula sa magkahiwalay na petisyon na inihain ng apat na transport group na nagsabing naging palpak ang implementasyon nito kasabay ng mga aberya sa sistema.