Ipinagutos ni Department of National Defense (DND) secretary Gilberto Teodoro Jr. sa lahat ng empleyado ng ahensiya na itigil ang paggamit ng artificial intelligence (AI) –powered apps na lumilikha ng magandang larawan o enhanced portraits.
Paliwanag ng kalihim, posibleng maging daan ito ng identity theft.
Sa memorandum na inilabas ni Teodoro, ipinatitigil nito ang paggamit ng AI-photo generator applications at pinayuhan ang lahat na maging maingat sa mga impormasyong ibinabahagi sa social media.
“All DND and AFP (Armed Forces of the Philippines) personnel are directed to refrain from using AI photo generator applications and practice vigilance in sharing information online,” laman ng memorandum.
Iginiit ni Teodoro na ang mga AI apps na ito ay may “significant privacy at security risks.”
Bagamat sa unang tingin, aniya, ay harmless at nakaka-aliw ang AI-powered application, posible rin aniyang, magamit ang mga ito sa paggawa ng fake profiles na maaring magresulta sa identity theft, social engineering, phishing attacks at iba pang malisyosong aktibidad.
“This seemingly harmless and amusing Al-powered application can be maliciously used to create fake profiles that can lead to identity theft, social engineering, phishing attacks, and other malicious activities,” bahagi pa ng memorandum.
Ang memorandum ng kalihim ay inilabas noong October 14, 2023, at ipinamahagi sa media nitong Biyernes.
(Ulat ni Baronesa Reyes)