Patay ang isang estudyante habang sugatan naman ang apat na kasamahan nito matapos bumangga ang sinasakyang kotse sa gate ng isang subdivision noong gabi ng Biyernes, Oktubre 13, sa Lipa City, Batangas.

Hindi na umabot ng buhay sa pagamutan ang biktimang si Iris Orbon, 19-anyos, at residente ng Barangay Tamo.

Patuloy namang ginagamot sa hospital ang iba pang biktima na sina Daniela Kim Dimaculangan, driver ng sasakyan; mga kasamang sina Maria Isabel Sardona; John Jolo Amo at Marvin John Espera.

Batay sa ulat ng Batangas Police, naganap ang insidente sa Barangay Inosluban, Lipa City, Batangas.

Patungo sana ang mga biktima sa JP Laurel Highway lulan ng isang Toyota Vios na minamaneho ni Dimaculangan nang sumadsad ang unahan at kanang gulong ng sasakyan sa gutter, dahilan upang mawalan ng kontrol sa manibela ang driver.

Nagtuloy-tuloy ang sasakyan at sumalpok sa gate ng isang subdivision.

Sa lakas ng impact ng aksidente, nagtamo ng grabeng sugat sa katawan ang mga biktima at isinugod sa pagamutan, ayon sa pulisya.

Ulat ni Baronesa Reyes