Dinampot ng mga tauhan ng Philipine National Police – Criminal Investigation and Detection Group (PNP- CIDG) ang isang alkalde sa Maguindanao del Sur dahil sa pagkakasangkot sa pagpatay sa isang konsehal noong Abril 2023.

Si Mayor Solayman Sandigan ng Datu Salibo, Maguindanao ay inaresto noong Miyerkules, Oktubre 11, sa kanyang tahanan sa Datu Piang batay sa warrant of arrest na inilabas ng Cotabato City Regional Trial Court (RTC) Branch 15.

Si Sandigan ay isinasangkot sa pagpaslang kay Datu Salibo Councilor Demson Silongan noong Abril 17, 2023.

Itinanggi ng alkalde ang alegasyon. Dinala ang alkalde sa detention facility ng CIDG sa nasabing lungsod kung saan walang inirekomendang piyansa ang korte.

Sa record ng korte, kabababa lamang ng biktima sa kanyang pickup truck upang dumalo sa session ng Sangguniang Bayan nang pagbabarilin ng mga suspek.

Dead on the spot ang konsehal habang sugatan naman ang driver nito na si John Madzig.

Ulat ni Baronesa Reyes