Inanunsiyo ni Philippine Olympic Committee (POC) chairman at Tagaytay City Mayor Abraham Tolentino ngayong Lunes, Setyembre 18, na pangungunahan ng Olympians na sina Margielyn Didal at EJ Obiena ang delegasyon ng Pilipinas sa 2023 Asian Games sa Hangzhou, China.

Ginawa ni Tolentino ang anunsiyo sa send-off para sa mga atleta para sa Asian Games sa Philippine International Convention Center (PICC) sa Roxas Blvd., Manila.

Si Skateboarder Didal ay isa sa apat na gold medalist ng Pilipinas sa 2018 Asian Games.

Inangkin naman ng pole vaulter na si Obiena ang silver medal sa World Athletics Championships na ginanap sa Budapest noong Agosto at hawak pa rin ang Asian record para sa sport sa 6.00 meters.

Halos 500 mga atleta, kabilang ang mga para atleta, ay patungo sa Hangzhou para sa Asian Games na magsisimula sa Setyembre 23, 2023.