Maging ang yumanong Pangulong Ferdinand Edralin Marcos Sr. ay babangon sa kanyang libingan at magdedeklara muli ng martial dahil sa pagkadismaya sa tumitinding isyu sa supply ng bigas sa bansa.
Ito ang binitawang salita ni Sen. Imee Marcos sa mensahe sa media kasabay ng paggunita ng ika-106 kaarawan ng kanyang yumaong ama na kilalang nagtaguyod ng “Green Revolution” noong panahon ng panunungkulan niya sa Malacanang kung saan naging major rice exporter ang Pilipinas.
“Wag na tayong magtanim ng palay para matigilan na ang pagdurusa ng magsasakang Pilipino — todo import na lang tayo!” sabi ni Senator Imee.
“Babangon at magma-martial law ang tatay ko sa ginagawa nila sa bigas ngayong birthday pa nya!” dagdag ni Imee.
Kasabay nito ay pagbatikos ni Sen. Imee sa umano’y walang diresksyon ng kasalukuyang administrasyon sa pagtugon sa krisis sa bigas na nagresulta aniya sa tuluy-tuloy na pagtaas ng presyo nito sa merkado sa kabila ng pagpapatupad ng price cap sa regular milled at well-milled rice.
Ang pagpapatupad ng price cap ay base sa Executive Order No. 39 na nilagdaan ng kanyang kapatid na si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
“What sinister forces are at work in the rice industry?” tanong ni Imee.
“Traders, retailers and the entire marketplace [are] in disarray as warehouses, illegal or not, are raided willy-nilly. So of course, we now have to lower or remove the import tariff entirely!” anang senador.