Naghain na ang broadcast journalist na si Atom Araullo ng reklamo sa korten laban sa SMNI News hosts na sina Lorraine Badoy-Partosa at Jeffrey “Ka Eric” Celiz dahil sa mga alegasyon ng red-tagging sa kanya.
Umaktong kinatawan ni Araullo si Tony La Viña ng Movement Against Disinformation kasama ang kanyang ina na si BAYAN Chairperson Carol Pagaduan-Araullo, na nagsampa rin ng civil complaint laban kina Badoy at Celiz noong Hulyo sa Office of the Prosecutor sa Quezon City.
“Red-tagging is a human rights violation. It is a form of disinformation that tarnishes a person’s reputation and exposes people to threats, harassment, and violence,” sabi ni La Viña sa isang post.
Sinabi ni Araullo na inihain nila sa korte ang P2-million damage suit para protektahan ang kanyang pamilya at itaguyod ang kalayaan sa pamamahayag.
“Pinili kong ipagkibit-balikat ang mga paratang lalo’t walang katuturan ang mga ito. Ngunit dahil delikado ang disinformation, lalo kung hahayaan lamang, nagpasya akong manindigan. Ginagawa ko ito para sa kaligtasan ng aking pamilya, ngunit sana ay maka-ambag din ito kahit papaano sa pagtatanggol ng press freedom sa kabuuan,” aniya sa isang press briefing.
Sinabi ni Atom, isang award-winning broadcast journalist, na hindi siya magsasampa ng criminal complaint laban kina Badoy at Celiz.
“Tutol ako sa criminalization ng libel dahil nagagamit ito upang gipitin ng lehitimong media. Kailangang pigilan at managot ng mga malisyosong pasimuno ng disinformation,” paliwanag ni Araullo.
Si Araullo ay na-red-tag nina Badoy at Celiz sa network na pag-aari ng lider ng simbahan na si Apollo Quiboloy, na pinaghahanap ng US Federal Bureau of Investigation para sa ilang mga kaso kabilang ang sex trafficking at bulk cash smuggling.
Noong Oktubre 2022, sinabi nina Badoy at Celiz na si Araullo, kasama ang iba pang mga mamamahayag, ay mga “operatiba” ng Communist Party of the Philippines – New People’s Army -National Democratic Front (CPP-NPA-NDF).