Patay ang isang dentista matapos na bumangga ang minamaneho nitong Sport Utility Vehicle (SUV) sa nakaparadang truck nitong Lunes ng umaga sa bayan ng Argao, Cebu.

Dead on the spot ang biktiimang si Dr. Annie Irene Rufo makaraang maipit sa loob ng nawasak na sasakyan.

Batay sa ulat ng PNP, naganap ang insidente dakong 5:40 ng madaling araw sa Barangay Bulasa, sa nasabing bayan.

Minamaneho ng biktima ang kanyang Toyota Rush SUV, nang aksidenteng mabangga nito ang nakaparadang truck sa kalsada.

Dahil sa lakas ng pagkakabangga, halos kalahati ng SUV ang naipit sa ilalim ng nakaparadang truck.

Napag-alaman na ang biktima ay isang community dentist na nakatalaga sa bayan ng Boljoon sa Cebu.

Ipinagluluksa naman ng Department of Health sa Region 7 ang pagkasawi ng dentista na anila’y isa sa mga committed healthcare professionals. Sa kasalukuyan, patuloy pang inaalam ng pulisya ang dahilan ng pagkakabangga ng sasakyan ng biktima sa truck.

Ulat ni Baronesa Reyes