Muling nagpista ang mga Maritess sa social media platform na X (dating Twitter) matapos na mabalitaang nakadetine ngayon ang dating broadcaster at talk show host na si Jay Sonza dahil sa kasong large-scale estafa at illegal recruitment.

Ang siste kasi, noong 2020, kinasuhan ng aktres na si Julia Barretto si Sonza dahil sa pagpapalutang ng balitang nabuntis ni Gerald Anderson, ang boyfriend ni Julia, ang dalaga.

Setyembre 20, 2020, nang ipangalandakan sa madla ni Sonza ang chizmax na “hindi baog” ang magkasintahan dahil nagdadalantao na nga ang anak ni Marjorie Barretto at Dennis Padilla, courtesy of what Sonza calls “Bisoy” o “Bisayang Tisoy,” pagtukoy kay Gerald.

“Congratulations sa aking kapitbahay sa Congressional Village, Bahay Toro, Quezon City,” ani Sonza sa ilang report. “Napatunayan nina Visoy (Visayan tisoy) Gerald Anderson at anak nina Dennis Padilla at Marjorie na si Julia Barreto na kapuwa hindi sila baog,” ani pa nito.

Pang-iintriga pa ng dating broadcaster: “After months of love lockdown and ESQ (exact sex quadrant) – may nabuo sa sinapupunan ni Julia.”

Inalis naman agad daw ni Jay Sonza ang mga naturang post subalit tuloy pa rin paghahain ng kaso ni Julia sa National Bureau of Investigation (NBI)-Cybercrime Division laban kay Sonza.

Samantala, anang mga netizen, “Dasurv” ni Sonza na maghimas ng rehas dahil sa pinaggagawa nito.

May nagsabi pa nga sa X (dating Twitter) na dapat na bigyan ng “juju” o jinx ang dating broadcaster.

Kinumpirma kamakailan ni National Bureau of Investigation (NBI) Assistant Director Glenn Ricarte na nasa kustodiya na nila si Jay Sonza matapos maaresto at imbestigahan ng Bureau of Immigration (BI) noong Hulyo 23, 2023 bunsod ng nakabinbing kaso ng large-scale estafa at illegal recruitment.