Huli sa CCTV footage ang isang lalake na hila-hila ang isang maleta sa kalsada.

Ang laman pala ng maleta ang kinidnap na 6 taon gulang na batang babae na ang ama ay isang Koreano habang ang ina ay isang Pinay.


Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, dinukot umano ang bata sa mismong bahay nito sa Barangay Bakilid, Mandaue City.


Mismong ina ng bata ang nag-post ng larawan at kuha sa CCTV para humingi ng tulong sa awtoridad at mabawi ang kanyang anak.


Kaagad na bumuo ang Mandaue Police Station ng isang elite team upang iligtas ang bata at maaresto ang kidnapper.


Hindi nagtagal at na-rescue rin ng pulisya ang bata sabay ng pagdampot sa suspek na umano’y nagpanggap na tagapamahala ng apartment ng pamilya ng biktima.


Nakuha din ang maletang ginamit sa pangdukot mismo sa inuupahang apartment ng suspek.


Lumitaw sa imbestigasyon na mayroon umanong galit ang suspek sa mga lolo at lola ng bata kaya nagawa nitong buweltahan sila sa pamamagitan ng pagdukot sa paslit.