Patay ang isang lalaki habang tatlo ang sugatan sa nangyaring pagsabog sa loob ng isang restobar nitong Lunes ng gabi, Agosto 7, sa Davao City.

Nakilala ang nasawi na si Romnick Creer Nortarte, 31-anyos, ng Sitio Acacia, Barangay Tamugan, Marilog District, Davao City. Hindi na umabot nang buhay ang biktima sa Southern Philippines Medical Clinic.

Isinugod din sa naturang pagamutan ang iba pang biktima na sina Emilita Alegarme, 48; Loribeth Nocyeo, 50; at Rey Agliones, 32.

Batay sa ulat ng Davao City Police, naganap ang insidente dakong alas-10:50 ng gabi sa loob ng Emragila Restobar sa Barangay Calinan, Poblacion, Davao City.

Sa inisyal na imbestigasyon, kumain ang mga biktima sa loob ng restobar nang makita ng mga ito ang isang puting cellphone bag na tila may lumiliyab sa loob nang iwan ng hindi pa kilalang suspek sa bintana ng establisimiyento.

Ayon sa mga testigo, inuusisa ng mga biktima ang laman ng cellphone bag nang bigla itong sumabog.

Anggulong “love triangle” ang itinuturong motibo ng pulisya sa insidente.

-Baronesa Reyes