Limitado na umano ang kakayahan ni dating pangulong Rodrigo Duterte na makibahagi sa sariling paglilitis sa International Criminal Court (ICC) dahil sa “cognitive impairment,” o paghina ng kakayahang mag-isip at umunawa, ayon sa defense team ng 81-anyos na dating presidente.
Sa isang dokumento na may petsang Nobyembre 25, sinabi ng mga abogado ni Duterte na natukoy ng mga eksperto sa ilang pagsusuri ang umano’y seryosong suliranin ni Duterte sa pag-iisip, kabilang ang “attention deficits, word-finding difficulties, short-term memory problems and visuospatial and executive dysfunction.”
Ayon sa depensa, lalo umanong nahihirapan si Duterte na paghandaan ang paglilitis dahil sa pagdami ng mga ebidensiyang isinumite ng prosekusyon matapos kumpirmahin ang mga kasong kinakaharap niya.
“Mr Duterte’s cognitive impairment prevents him from providing Counsel with meaningful instructions, let alone from navigating, together with his Defence team, the 62,000+ items comprising the evidentiary record,” giit ng depensa.
“His recollection of matters relevant to the charges is fragmented, disconnected, incomplete, and sometimes entirely absent. Counsel can neither rely on his account nor obtain clarification where needed,” dagdag pa nito.
Sa Nobyembre 30 sisimulan ang paglilitis kay Duterte sa ICC para sa kasong crimes against humanity, na nag-ugat sa kampanya kontra droga na ipinatupad ng kanyang administrasyon simula 2016 hanggang 2022.
