Inatasan ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang electric company na Meralco na isauli sa mga consumer ang nasa ₱1.987 bilyon matapos matuklasang sobra ang nakolekta ng kumpanya at matapos i-disallow ng komisyon ang mga gastusing hindi nito napatunayang dapat pasanin ng consumers.
Hindi pinayagan ng ERC na ipasa sa mga consumer ang ₱89.82 milyon na gastusin ng Meralco para sa pension at iba pang employee benefits dahil hindi sapat ang mga dokumentong isinumite ng kumpanya upang patunayang makatwiran ang mga ito.
“Among these were Meralco’s employee pension and other benefits, which were not sufficiently justified as necessary and reasonable costs of providing distribution service in the 2003 Unbundling Decision,” saad sa press release ng ERC ngayong Biyernes, Nobyembre 27.
Bukod dito, natukoy din ng komisyon na sumobra ng ₱330.8 milyon kada taon ang nakolekta ng Meralco mula sa return on plant in service matapos muling kuwentahin ang regulatory asset base (RAB) nito.
Batay sa aktuwal na energy sales nito mula Abril 2003 hanggang Hunyo 2007, umabot sa ₱1,987,739,617.40 ang kabuuang refund na dapat matanggap ng mga consumers.
Ipatutupad ang refund sa loob ng tatlong buwan, simula sa susunod na billing cycle matapos matanggap ng Meralco ang kautusan. Lalabas ito sa bill bilang hiwalay na item na may label na “RAB Refund.”
