Naglabas ng Show Cause Order (SCO) ang Land Transportation Office (LTO) laban sa isang motovlogger kaugnay ng video na in-upload sa Facebook page na “Sir Ki,” kung saan makikitang nagpapatakbo umano ng motorsiklo nang sobrang bilis sa isang pampublikong kalsada.

“Ang kalsada ay hindi lugar para sa pasikatan, karera o paggawa ng content na naglalagay panganib sa buhay ng ibang tao,” ani LTO chief Markus Lacanilao.

Makikita rin umano sa nasabing video na pinara ito ng mga pulis, ngunit sa halip na huminto ay iniwasan pa umano ang mga awtoridad.

Batay sa inisyal na imbestigasyon, posibleng managot ang rider sa kasong “Reckless Driving” at “Improper Person to Operate a Motor Vehicle” dahil sa kanyang paraan ng pagmamaneho na malinaw na naglalagay sa panganib hindi lamang sa kanyang sarili kundi pati sa ibang motorista at pedestrian.

Dahil dito, pinadadalo ng LTO ang rehistradong may-ari at/o rider sa itinakdang pagdinig na gaganapin sa tanggapan ng Intelligence and Investigation Division (IID) sa LTO Central Office upang magpaliwanag kung bakit hindi sila dapat patawan ng kaukulang parusang administratibo.

Nakasaad din sa kautusan na ang hindi pagdalo sa nasabing pagdinig ay ituturing na pagtalikod sa kanilang karapatang marinig, at magpapasya ang ahensya base sa mga ebidensyang hawak nito.

Bilang agarang hakbang, isinailalim na sa alarm status ang naturang motorsiklo habang preventively suspended naman sa loob ng 90 araw ang lisensya ng rider, na kinakailangang agad isumite sa IID.