Matapos ng ilang araw na pananahimik, muling lumabas sa isang video si Senate President Alan Peter Cayetano ngayong Biyernes, Mayo 29, upang ibuhos ang sisi mga miyembro ng minority bloc sa lumalalang drama sa Senado nitong mga nakaraang araw.
“Ang problema, if you’re on their side – nandun sa ‘onse’…na-onse po kayo kasi po sinasabi nila wala silang chance o magtanong at magpaliwanag. Wala pa tayo dun,” pahayag ni Cayetano.
“Hindi po namin pinagbobotohan ‘yung pagbabago sa Senate rules. Ang pinagbobotohan pa lang po – whether or not – ay kung pag-uusapan ito,” paliwanag ni Cayetano.
“The motion was to take up the amendments – bawat isa ay puwedeng magtanong,” dagdag niya.
Sa kanyang 21-minutong video na ipinost sa social media, sinabi ni Cayetano na dapat ang minorya ang sisihin dahil hindi nila binigyan ng pagkakataon na magpaliwanag ang mga taga-majority bloc na magsalita tungkol sa panukalang baguhin ang Senate rules, lalo na nang mag-walk out sila sa session hall.
Pinangalanan ni Cayetano sina Senators Panfilo Lacson, Erwin Tulfo, Risa Hontiveros, at Francis Pangilinan na umano’y nagpapakalat ng mga maling impormasyon tungkol sa mga kontrobersiya sa Mataas na Kapulungan.
“Sila ang nanggugulo kasi hindi sila kumportable na independent ang Senado,” giit ni Cayetano, na nagsabing ang mga nakaraang Senate president ay kontrolado diumano ng Palasyo.
