Nasa humigit-kumulang 80 percent na ang kahandaan ng lalawigan ng Cebu para sa nalalapit na ASEAN Summit na gaganapin sa Mayo 2026, ayon kay Governor Pamela Baricuatro.
Sa ulat ng ABS-CBN ngayong Lunes, Abril 27, sinabi ni Cebu Governor Pamela Baricuatro na nasa huling yugto na ang paghahanda ng lalawigan para sa mga kritikal na aspeto gaya ng seguridad, imprastruktura, at emergency response systems.
Inaasahang dadaluhan ang dalawang araw na pagpupulong ng humigit-kumulang 3,000 delegado, kabilang ang mga lider mula sa 10 member states ng ASEAN (at Timor-Leste bilang observer).
Gaganapin ang mga pangunahing aktibidad sa Lapu-Lapu City, partikular sa Mactan Expo at ilang piling resorts.
Naka-alerto na ang mga karatig-lungsod sa posibleng pagdagsa ng mga bisita, habang inaasahan naman ang mga road closure sa mga pangunahing kalsada sa tuwing dadaan ang mga head of state at iba pang matataas na opisyal para sa nasabing summit.
Ulat ni Brit Cezar
