Para mabawasan ang epekto ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado, ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang tatlong buwang suspensyon ng excise tax sa liquefied petroleum gas (LPG) at kerosene.

Sa paglagda sa Executive Order (EO) 114 ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. nitong Huwebes, Abril 16, nakasaad na awtomatikong maibabalik ang excise tax rates isang linggo matapos bumaba sa US$80 (P4,809) ang average na presyo ng Dubai crude oil base sa Mean of Platts Singapore (MOPS), o kapag natapos ang suspensyon.

Isinagawa ang hakbang matapos kumpirmahin ng Department of Energy (DOE) na ang average na presyo ng Dubai crude oil batay sa MOPS ay umabot sa US$93.71 (P5,633) kada bariles sa nakalipas na 30 araw, na lampas sa US$80 threshold na itinakda sa Republic Act (RA) 12316.

Inaatasan ang DOE at Department of Finance (DOF), sa pamamagitan ng Bureau of Internal Revenue (BIR) at Bureau of Customs (BOC), na magsagawa ng inventory ng umiiral na stocks ng LPG at kerosene at tiyaking nasusunod ang bagong direktiba.

Ulat ni Brit Cezar