Nanawagan ang ilang kongresista para sa mabilisang pagpapauwi sa Pilipinas kay dating kongresista Zaldy Co upang harapin ang kaniyang mga kaso at magbigay ng karagdagang impormasyon hinggil sa flood control scam.

Matapos ianunsiyo ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pagkakaaresto sa dating kongresista na si Zaldy Co sa Czech Republic, ilang mambabatas ang naglabas ng pahayag na nananawagan para sa kaniyang deportasyon pabalik ng bansa.

“With the arrest of Zaldy Co, the Philippine government should waste no time in fast-tracking his deportation. Dapat harapin na niya ang mga kaso laban sa kanya,” ani De Lima ngayong Biyernes, Abril 17.

Gayundin ang panawagan ni Bicol Saro Rep. Terry Ridon, na aniyang inaasahang magbibigay si Co ng karagdagang impormasyon tungkol sa flood control scam sa kaniyang pagbabalik sa Pilipinas.

“May this serve as a reminder that the rule of law must apply to all, including those in power and influence,” sabi naman ni Akbayan Rep. Chel Diokno.

Nanawagan din si Navotas Rep. Toby Tiangco sa pamahalaan na magpadala ng high-level team sa Czech Republic upang makipag-ugnayan para sa mabilisang pagpapauwi sa dating kongresista.

Ulat ni Jilliane Libunao