Posibleng magkaroon ng pagkaantala sa pagre-release o paglalabas ng mga pasaporte dahil sa mga problemang “logistical and supply chain issues” na nararanasan bunsod ng krisis sa Middle East, ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA) – Office of Consular Affairs.

“All applicants are advised that the release of passports may take 10 to 15 working days from the date of application until further notice,” mababasa sa pahayag ng DFA – Office of Consular Affairs.

Sa isang anunsyo ngayong Miyerkules, Abril 8, inihayag ng DFA na apektado ng nasabing aberya ang lahat ng mga aplikasyong isinumite simula noong huling linggo ng Marso 2026.

Tiniyak naman ng ahensya na kasalukuyan na silang nakikipagtulungan sa kanilang third-party service provider para maresolba ang problema sa pag-imprenta ng mga ePassport.

Ulat ni Julian Katrina Bartolome