Sa ginanap na press conference ngayong Martes, Marso 24, tiwala si Department of Transportation (DOTr) Secretary Giovanni Lopez na magiging maayos at sistematiko ang pamamahagi ng P10,000 fuel subsidy para sa mga operator ng Public Utility Vehicles (PUV) bilang tulong ng gobyerno ngayong nahaharap ang bansa sa krisis sa Langis.
“So, we’re talking of 101,886 units po and about 62,659 operators. This is nationwide, and the amount to be distributed as part of fuel subsidy is more or less P460,575,500,” ayon kay Lopez.
Sinabi rin ng Kalihim na kung dati ay operators lang ang mabibigyan ng fuel subsidy, ngayon ay mabibigyan na rin pati ang mga driver dahil direkta rin silang apektado ng pagtaas ng presyo ng langis.
Sinabi ng DOTr na maaaring matanggap ng mga benepisyaryo ang fuel subsidy sa pamamagitan ng Fuel Subsidy Cards, bank to bank transfer, manager’s check, cash payout, at e-wallet transfers kung saan sagot na ng pamahalaan ang lahat ng convenience fees.
