Umapela ang transport group na MANIBELA sa agarang pagtugon ng pamahalaan sa hiling na ₱1 dagdag-pasahe para sa mga pampublikong sasakyan sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis dulot ng kaguluhan sa Middle East.

“Katiting na lamang ang hinihingi natin na dagdag, inalis pa.. Inalis pa ang piso. Dapat hindi tayo balat-sibuyas mahal na Pangulo. Dapat natin pakinggan ang daing ng mga mahihirap, umaaray ang mga drayber,” saad ni MANIBELA President Mar Valbuena.

Sa isinagawang press conference ngayong Lunes, Marso 23, inihayag ni Valbuena ang mabigat na nararanasan ng mga tsuper sa kanilang kinikita sa pamamasada na umano’y labis silang naapektuhan ng krisis.

Hiniling din ng grupo sa pamahalaan na ikonsidera ang pagtanggal ng excise tax at value-added tax (VAT) sa mga produktong petrolyo para maibsan ang pasanin ng mga tsuper.

Samantala, magkakasa ng dalawang araw na tigil-pasada ang MANIBELA simula sa Huwebes, Marso 26 hanggang Biyernes, Marso 27.

Ulat ni Brit Cezar