Itinuturing bilang “Last resort” na ng transport group MANIBELA ang paghiling nila ng provisional fare hike na ₱1 hanggang ₱2 para sa public utility vehicles (PUVs) sa gitna ng tumataas na presyo ng langis dulot ng kaguluhan sa Middle East, ayon sa chairperson nito na si Mar Valbuena.
“Ang mangyayari po kasi ngayong susunod na linggo, ₱15 na naman ang itataas. So siguro panahon na para kasama na kami sa manawagan na magtaas kahit na provisional lang o pansamantala lang na ₱1 o ₱2,” saad ni Valbuena.
Sa isang panayam sa Unang Balita ngayong Biyernes, Marso 13, ibinahagi ni Valbuena na nasa ₱400 hanggang ₱500 ang nawawala sa araw-araw na kita ng mga tsuper dahil sa pagtaas ng presyo ng langis na umaabot sa ₱25 hanggang ₱30 kada litro.
Dagdag ni Valbuena, hindi sapat ang ₱5,000 fuel subsidy na pinamimigay ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
“Parang limos lang ito… Hindi po talaga ito sasapat. ‘Yung ₱5,000 na ito na manggagaling po sa AICS sa DSWD, napakaraming requirements na hinihingi ng LGU,” dagdag pa niya.
Ulat ni Ansherina Baes
