Inamin ni Philippine Amalgamated Supermarkets Association Inc. President Steven Cua na maaaring tumaas ang presyo ng basic goods sa Pilipinas dahil sa pagtaas ng presyo ng langis sa bansa dulot ng lumalalang tensyon sa Middle East.
“Huwag tayong nagmamadaling mag-panic buying. When we do that, nakatulong tayo sa pagtaas ng presyo. Relax lang tayo,” ani Cua.
Ngunit, giit niya, hindi makakatulong ang panic buying ng publiko dahil lalo lang itong magpapalala ng sitwasyon.
“Kapag gumalaw ang presyo ng krudo, in any country, I guess, and you import the way we do, talagang gagalaw ang presyo ng lahat na bilihin. Labor, electricity, fuel, kapag gumalaw yan, galaw lahat ng presyo yan, sigurado,” saad ni Cua sa isang panayam sa GMA News.
Aniya, nililimitahan na ng ilang retailers ang dami ng produktong inilalagay sa display para maiwasan ang hoarding o labis na pag-iimbak ng mga mamimili.
Samantala, nakatakda nang makipagpulong ang supermarkets association sa Department of Trade and Industry (DTI), partikular sa National Price Coordinating Council, para talakayin mga hakbang para mapanatiling stable ang supply at presyo ng mga bilihin.
Ulat ni Bea Tanierla
