Nasa 80 milyong bariles ng langis ang handang i-release ng Japan mula sa kanilang private at national oil reserves upang maibsan ang epekto ng oil price hike sa global market dulot ng tumitinding sigalot sa Middle East.
Ayon sa Ministry of Economy, Trade and Industry (METI) ng Japan, malaki ang magiging epekto ng posiblengpagsasara ng Strait of Hormuz sa Middle East dahil dito dumaraan ang nasa 70 porsyento ng oil imports ng Japan.
Bilang tugon dito, sisimulan ng Japan ang pagre-release ng private at national oil reserves nito sa Marso 16.
Gayunpaman, kung magkakasundo ang mga miyembrong bansa ng International Energy Agency (IEA) sa isang mas malawak at coordinated na oil reserve release, isasama ang 80 milyong bariles ng langis ng Japan sa kabuuang bilang na ilalabas ng grupo, ayon sa isang opisyal ng METI.
Pinaplano ng IEA, isang autonomous intergovernmental organization, na maglabas ng hanggang 400 milyong bariles ng langis mula sa strategic reserves ng mga kasaping bansa nito na mas mataas sa 182 milyong bariles na inilabas noong 2022 kasunod ng Russian invasion sa Ukraine.
Ulat ni Bea Tanierla
