Nagkasa ng kilo-protesta ang ilang rural-based groups sa isang gasolinahan sa Cubao, Quezon City ngayong umaga, dahil sa napipintong pagtataas ng presyo ng produktong petrolyo sa bansa.
Kinondena ng mga grupo ngayong Martes, Marso 10, ang umano’y pananamantala ng mga oil companies sa nagaganap na giyera sa Middle East upang magpatupad ng hindi makatuwirang dagdag-presyo sa langis.
Ayon kay Ariel Casilao, national president ng Anakpawis, hindi lamang ang transport sector ang maaapektuhan ng oil price hike kundi pati na rin ang agriculture sector.
“Kaakibat ng taas-presyo ng langis ang pagtaas din ng gastos sa produksyon ng mga magsasaka at mangingisda. Nangangahulugan ito ng higit pang pagdausdos ng kanilang kita. Tiyak din ang epekto nito sa presyo ng mga produktong agrikultural sa palengke tulad ng palay, gulay at isda,” giit niya. (via Bea Tanierla)
