Dalawang patay na lalaki ang nadiskubre sa loob ng septic tank ng isang mall sa Sta. Rosa, Laguna nitong Miyerkules, Agosto 2, ng umaga.

Nakilala ng pulisya ang mga biktima na sina Jeric Salvador at Rommel Lauzon, pawang mga residente ng Santa Rosa City, Laguna.

Ang dalawang biktima ay nagtatrabaho bilang mga de-clogger at subcontractor na naglilinis ng mga poso negro sa iba’t ibang establisimiyento sa lugar.

Sa imbestigasyon ng pulisya, dakong 6:00 ng umaga nitong Miyerkules nang matagpuan ang bangkay ng mga biktima sa loob ng septic tank na nasa parking lot ng mall.

Agad namang humingi ng tulong ang security guard ng mall upang maiahon ang labi ng dalawa.

Hinala ng mga imbestigador, posibleng na-suffocate ang dalawa habang naglilinis ng tangke.

Napag-alaman pa na 9:00 ng gabi nitong Martes nang simulang linisin ng dalawa ang naturang poso negro.

Sa kasalukuyan, patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya upang ma-determina kung may nangyaring foul play sa pagkamatay ng dalawa.

–Baronesa Reyes