Nilinaw ni Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gregorio Catapang Jr. na ikukulong sa Sablayan Prison at Penal Farm sa Occidental Mindoro, at hindi sa Metro Manila, ang mga mapatutunayang may sala sa flood control scam.
Ayon kay Catapang, hindi nila pagbibigyan ang mga sangkot na mailipat sa New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City dahil nagsasagawa na rin ng decongestion program sa naturang piitan para maiwasan ang overcrowding.
Binigyang-diin din niya na walang magiging “special treatment” sa “supermax” facility sa Sablayan, hindi umano gaya dati.
“Iyon po ang guidance talaga. Kailangan maparusahan naman talaga iyong na-involve sa flood control. Walang special treatment. Wala iyong mga passes, whatever, we want to make sure na hindi mauulit iyong sa previous administration kasi nakakahiya naman kung hindi sila maparusahan,” ani Catapang.
Dagdag pa niya, nakakuha ang BuCor ng 60 ektaryang lupa sa Palayan City, Nueva Ecija para maipagawa ang unified penology and correction system bilang bahagi ng decongestion ng mga piitan.
Ulat ni Bea Tanierla
