Tinukoy si Ilocos Norte 1st District Rep. Sandro Marcos bilang “pork barrel king” matapos suriin ang distribusyon ng pondo ng Department of Public Works and Highways (DPWH), ayon sa exclusive report ng Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ).

Batay sa report ng PCIJ, humawak ang DPWH ng nasa P1.2 trilyong allocable funds, kung saan sinasabing pinakamalaking bahagi nito ay napunta umano kay Congressman Marcos.

Ayon pa sa datos ng PCIJ, nakatanggap si Rep. Sandro ng kabuuang P18.8 bilyon para sa mga proyekto ng pamahalaan mula 2022 hanggang 2025.

Bukod sa kongresista, kinilala rin si dating House speaker Martin Romualdez bilang isa pang “pork barrel king,” matapos tumanggap umano ng P14.4 bilyong proyekto sa parehong panahon.

Dagdag pa rito, tinukoy ng PCIJ na ang Ilocos Norte—na may tinatayang 320,000 katao—umano ang nakatanggap ng mas malaking bahagi ng pondo kumpara sa ibang mga lugar sa bansa.

Samantala, dumepensa naman ang Malacañang sa naturang ulat, at sinabing bukas ang pamilya Marcos sa “lifestyle check.”