Magbubukas ang Austria ng mas maraming oportunidad sa trabaho para sa mga manggagawang Pilipino, ayon sa Department of Migrant Workers (DMW).
Dulot ito ng pakikipagpulong ni DMW Secretary Hans Leo Cacdac kasama si Minister Wolfgang Harttsmanndorfer ng Ministry of Economy, Energy, and Tourism ng Austria, upang magbukas ng panibagong oportunidad sa trabaho para sa mga Pilipino.
Parehong nangako sina Cacdac at Harttsmanndorfer na higit pang palalawakin ang labor cooperation ng Pilipinas at Austria, alinsunod sa 2023 twin bilateral agreements na may kinalaman sa pagre-recruit ng mga propesyonal at skilled workers, kabilang na ang mga nurse.
Sa kasalukuyan, tinatayang 8,000 overseas Filipino workers (OFWs) ang nasa Austria, at mahigit 700 Pilipino na ang naipadala roon sa loob ng nakalipas na dalawang taon.
Ulat ni Julian Katrina Bartolome
