Ipina-deport na ng Bureau of Immigration (BI) nitong Biyernes, Setyembre 19, ang 91 Chinese na unang naaresto dahil sa pagtatrabaho sa illegal Philippine offshore gaming operator (POGO) hub sa dalawang lugar sa Metro Manila at illegal mining site sa Homonhon Island sa Eastern Samar kamakailan.

“We remain steadfast in enforcing our immigration laws. Those who abuse their stay in the Philippines and engage in unlawful activities will be dealt with accordingly,” sabi ni Immigration Commissioner Joel Anthony Viado.

Ayon kay Viado, isinakay ang 91 Chinese sa isang Philippine Airlines flight patungong China. Naisagawa ang deportation proceedings sa tulong ng Chinese Embassy sa Maynila.

Ang mga naturang Chinese ay dinampot ng mga tauhan ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) na pinamumunuan ni Undersecretary Gilbert Cruz at BI operatives sa POGO hub sa Pasay, Parañaque, at maging sa mining site sa Homonhon Island.

Samantala, may iba pang Chinese na nananatili sa kustodiya ng gobyerno ng Pilipinas dahil mayroong nakabimbing kaso laban sa kanila.