Nakatanggap umano ng campaign donations ang dating UniTeam tandem na sina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at Vice President Sara Duterte noong 2022 elections, ayon sa Philippine Center for Investigative Journalistm (PCIJ).
Iniulat ng PCIJ na batay sa mga isinumite nina Marcos at Duterte na Statement of Contributions and Expenses (SOCE) sa Commission on Elections (Comelec), ay nakatanggap umano sila ng donasyon mula sa ilang contractors noong 2022 national elections.
Nasa kabuuang P21 milyong donation umano ang nakuha ng Pangulo mula sa Rudhil Construction & Enterprises Inc., na pag-aari ni Rodulfo Hilot Jr.; at Quirante Construction Corporation, na pag-aari naman ni Jonathan Quirante.
Binayaran naman ng Esdevco Realty Corporation, na pag-aari ni Glenn Escandor, ang political advertisements ni VP Sara na umabot sa P19.9 na milyon.
Ayon pa sa PCIJ, mayroon umanong active government contracts ang mga nabanggit na contractors bago o habang nagaganap ang 2022 elections na ipinagbabawal ng 1985 Omnibus Election Code.
Ulat ni Ansherina Baes
