Sa gitna ng mga diumano’y “lavish lifestyle” ng mga politiko at kanilang mga kaanak, kumalat online ang nakasaad sa Article XI Section 1 ng 1987 Constitution na: “Public office is a public trust… at all times, be accountable to the people… and lead modest lives.”
Kasabay ng usapin tungkol sa lifestyle check sa mga public official, naging viral sa social media ang mandato ng Article XI Section 1 ng 1987 Constitution na ang mga opisyal ng gobyerno ay dapat mamuhay nang payak, hindi lagpas sa kanilang sahod at allowance na mula sa buwis ng taumbayan.
Sa ilalim ng naturang batas, ang pagsuway rito ay itinuturing na ‘betrayal of public trust,’ isa sa mga batayan ng impeachment.
Kumalat ang batas sa gitna ng imbestigasyon sa diumano’y maanomalyang flood control projects sa bansa kung saan bilyong pisong pondo umano ang napupunta sa bulsa ng ilang politiko at kontratista na dapat sana ay magagamit sa pagtatayo ng mga imprastraktura na magsisilbing proteksyon laban sa pagbaha.
Ayon sa mga eksperto, sapat na ang lifestyle check upang masuri kung ang isang opisyal ay lumalagpas sa kanyang kakayahan.
Dagdag pa nila, hindi lamang “within their means” ang pamantayan ng Saligang Batas kung kaya’t bagaman kaya umano ng suweldo ng mga public official ang umano’y magarang pamumuhay, mananatili ang mandato sa kanila na mamuhay nang simple.
