Ibinunyag ni Supervising Auditor Tracy Ann Sunico ng Office of the Secretary ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na “as early as 2015, 2016” ay na-flag na umano ng Commission on Audit (COA) ang mga “simultaneous contracts” na ibinibigay sa magkakaparehong kontratista.

“As early as 2015, 2016… na-flag na po ng mga auditors natin ‘yung mga simultaneous contracts awarded to the same contractors,” saad ni Sunico.

Aniya, napa-flag na umano ang mga kuwestiyunableng Net Financial Contracting Capacity (NFCC) ng mga proyekto dahil hindi umano idinedeklara ng mga bidders ang lahat ng kanilang financial at technical documents, “‘yung mga lease of ongoing projects nila.”

“Meron din pong observation pagdating doon sa mga same key personnel na ‘yun din po ang na-aassign sa mga simultaneous, o sabay-sabay na project ng mga contractor, ganu’n din po ‘yung kanilang mga equipment,” paliwanag ni Sunico sa pagdinig ng House Infrastructure Committee ngayong Martes, Setyembre 2 tungkol sa mga umano’y maanomalyang flood control projects sa bansa.

Mayroon din umanong mga proyektong idineklara ng DPWH bilang “100 percent completed,” batay sa RPGPPA (Report on Publicized Government Programs, Projects and Activities) at sa PCMA (Project and Contract Management Application) nito, ngunit nang magkaroon ng ocular inspection sa mga proyekto ay marami umano sa mga ito ay hindi pa tapos o kulang-kulang, ayon pa kay Sunico.

Ulat ni Jilliane Libunao