Isinulong ng Pasang Masada, Alliance of Transport Operators and Drivers Association of the Philippines, at Alliance of Concerned Transport Operators na dagdagan ng kabuuang P3 ang pamasahe.

Inihayag ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa isang press release nitong Martes, Agosto 12, na inaaral na nito ang inihaing petition ng tatlong transport groups na gawing permanente ang P1 provincial fare hike at magpatupad ng isa pang provincial increase na P2 para sa mga public utility jeepneys (PUJs).

Inihain umano ng Pasang Masada, Alliance of Transport Operators and Drivers Association of the Philippines, at Alliance of Concerned Transport Operators ang naturang petition nitong Lunes, Agosto 11.

Sa ilalim ng naturang petition ay tataas sa P15 ang base fare sa tradisyunal na pampasaherong jeepney mula sa kasalukuyang presyo nito na P13, ayon sa LTFRB.

Sinabi naman ni LTFRB chairman Teofilo Guadiz III na inaaral na nila ang petition at titiyakin nilang magiging patas, reasonable, at batay sa “solid justification” ang magiging adjustment sa pamasahe.

Ulat ni Ansherina Baes