Inihayag ni Caloocan City 2nd District Rep. Edgar Erice ang kanyang suhestiyon upang matugunan ang problema ng solid waste management system sa Metro Manila na kanyang inilarawan bilang “worst kind of solid waste management system in the world.”

“Kung walang kokolekta, saan mo itatapon ‘yan? Sa ilog… sa lansangan. ‘Pag dumating sa lansangan, kakalkalin ng mga scavengers, ng mga hayop, kakalat, pupunta sa drainage. Ang hantungan din sa mga waterways. So, it’s a problem of system, the worst kind of solid waste management system,” sinabi ni Erice.

“Kung 10 square meters ‘yung bahay mo, hindi ka dadaanan nung truck ng basura ng isang linggo. Ano, kahalikan mo na ‘yung mga basura? Papayag ka ba do’n mangangamoy basura ka na?” sabi ni Erice sa pagpapatuloy ng briefing ng House Committee on Public Accounts ngayong Miyerkules, Agosto 13.

Kasunod nito, inilatag niya ang kanyang suhestiyon kaugnay sa problema ng solid waste management system, “simple lang, i-dredge ninyo lahat ng waterways sa Metro Manila, higpitan ang DILG, lahat ng mayors.”

Iginiit din ng kongresista na kailangan pati ang mga basura sa waterways ay kokolektahin dahil bayad umano ito, “fixed rate ‘yan, cleanup all. ‘Yan ang kontrata, stipulated sa mga kontrata ng LGUs, not all but almost all LGUs.”

Ulat ni Jilliane Libunao