Kumpiyansa si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na agad na sasaklolo ang Amerika sakaling makaranas ang Pilipinas ng security challenges partikular na sa West Philippine Sea (WPS).
Sa panayam ng programang Firstpost ng India nitong Miyerkules, Agosto 6, aminado ang Pangulo na hindi maiiwasan na madamay ang Pilipinas sa “all-out war” ng China sakaling ituloy nito ang pag-invade sa Taiwan.
“I am, because the assurance is that we have been receiving in those terms from the new administration before I went there , and when I went there have been very, very strong,” sagot ni Pangulong Marcos sa tanong kung kumpiyansa itong didepensa ang Amerika sa Pilipinas.
Matatandaang tatlong araw na nagsagawa ng working visit si Pangulong Marcos sa Amerika at nakausap si US President Donald Trump noong Hulyo 20 hanggang 22.
Ayon kay Pangulong Marcos, nanatiling “ironclad” ang commitment ng Amerika sa Pilipinas sa gitna ng tumitinding tensyon sa West Philippine Sea.
Samantala, taong 1951 nang lagdaan ng Amerika at Pilipinas ang Mutual Defense Treaty na nagpapatibay sa security partnership ng dalawang bansa.
Ulat ni Chona Yu
