Mariing pinabulaanan ng Philippine Reclamation Authority (PRA) ang mga alegasyon na ang ginagawang reclamation project sa Pasay City ang dahilan ng matinding pagbaha sa Metro Manila.
“Makikita niyo po dito, hindi na umaabot sa may Dolomite Beach ang basura, na dati ay sumasampa doon at nagdudulot ng pagbabara sa mga outlet,” ayon sa PRA.
Ayon kay PRA Principal Engineer Jay Manalo, ang 600-ektaryang proyekto ay hindi humaharang sa mga natural na daluyan ng tubig-ulan patungong Manila Bay.
Idinagdag niya na nakatutulong umano ang proyekto sa pagharang sa mga basura mula sa mga karatig-lalawigan bago ito makarating sa mga outlet ng Manila Bay, kaya’t nababawasan ang mga baradong kanal na nagdudulot ng pagbaha.
Iginiit pa ng ahensya na ang nasabing proyekto ay may environmental safeguards at drainage system para makatulong sa pagbabawas ng baha at polusyon sa Metro Manila.
Ulat ni Julian Katrina Bartolome
